Hiniling kahapon ni Kilusang Bagong Lipunan senatorial candidate Joselito Pepito “Peter” Cayetano sa Korte Suprema na ibasura ang naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdi-disqualify sa kanya bilang kandidato sa May 14 senatorial race.
Sa 14-pahinang petition for certiorari ni Joselito, sa halip na katigan ang disqualification laban sa kanya na iniharap ni GO senatorial bet Alan Cayetano ay hiniling nito sa SC na ideklara siyang kandidato at bilangin ang kanyang mga boto.
Sinabi ni Joselito na umabuso ang Comelec sa kanilang tungkulin ng ideklara siyang nuisance candidate batay sa petisyon ni Rep. Cayetano. Anya, kung siya ay madi-disqualify, mababalewala rin ang 34,155 tao na bumoto na sa kanya batay sa bilang na ginawa ng Namfrel.
Binatikos din ni Joselito ang Comelec ng balewalain ang iniharap niyang mga ebidensiya na nagpapatunay na mayroon siyang kakayahang mangampanya at maliwanag ang intensiyon niyang maglingkod bilang senador ng bansa.
Ayon naman sa abogado ni Joselito na si John Joshua Atienza, maghahain ng impeachment complaints ang kanyang kliyente laban sa mga Comelec commissioners kung hindi mabibilang ang kanyang mga boto. (Rudy Andal)