Ito ang idiniin ng isang dating abogado ni dating Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano nang magharap siya sa Ombudsman ng anim na pahinang reklamo laban sa mag-ama.
Sinasabi ni Atty. Ed Tamondong sa kanyang reklamo na lumabag umano ang mag-ama sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Franking Privilege Act.
Si Tamondong ay dating kalihim ng Commission on Appointment noong panahong ang matandang Pimentel pa ang presidente ng Senado.
Pero sinabi ng batang Pimentel sa isang pahayag na si Tamondong ay isang kandidatong mayor sa Cagayan de Oro na hindi sinuportahan ng kanilang kampo kaya gumaganti.
Sinasabi ni Tamondong sa kanyang reklamo na gumagamit ang mag-amang Pimentel ng official stationary sa pagpapadala ng mga liham kaugnay ng pagkandidato ni Koko.
Sinamantala rin umano ng senador ang franking privilege law para malibre sa bayad sa pagpapadala ng mga campaign letter ng anak nito.
Sinabi naman ng batang Pimentel na mababasura lang ang reklamo ni Tamondong dahil salat ito sa katotohanan at bahagi lang ng maruming gimik sa pulitika laban sa kanilang mag-ama.
Sinabi pa niya na malinaw na paghihiganti lamang ang motibo ni Tamondong dahil hindi nila sinuportahan ang kandidatura nito noong 2004 mayoralty race sa Cagayan de Oro City sa ilalim ng PDP Laban at sa halip ay ang katunggali nito ang kanilang sinuportahan.
Idinagdag ni Koko na walang ebidensya o basehan ang demanda na naglalayon lang na ilaglag ang kanyang kandidatura.
Sinabi naman ni Senador Pimentel na gumagawa lang ng isyu para siraan silang mag-ama ni Tamondong na hinihinala niyang kasabwat ni Garcillano. (Rose Tamayo-Tesoro at Joy Cantos)