Pansamantalang inutos ng Supreme Court na manatili muna si Ocampo sa kustodiya ng Manila Police District (MPD) hanggang Biyernes (Marso 23) para sa itinakdang oral arguments kaugnay sa petition for certiorari na isinampa nito na nalalayong magbaba ng temporary restraining order (TRO) ang korte para mapigilan ang pag-aresto sa kanya.
Una nang kinontra ni Ocampo ang paglilipat niya sa Leyte dahilan ang mungkahi umano ng PNP ay pag-aaksaya lamang ng pera ng gobyerno.
"Hindi puwedeng gawin nila ‘yon…Gagawa sila ng sakit ng ulo. Bakit nila dadalhin ako do’n, tapos babalik nila ako sa Biyernes. Gagastusin lang nila yung pera ng gobyerno dyan …Wala namang hearing do’n," ayon pa kay Ocampo.
Sa kasalukuyan si Ocampo ay nasa kustodiya ng MPD General Assignments Section (GAS) at limang araw pa mananatili sa MPD.
Positibo naman si Ocampo na papaboran siya ng Korte Suprema sa kanyang petition dahil marami umanong butas sa kaso niya.
Idinagdag pa nito na handa niyang harapin ang kaso laban sa kanya kaya nasa Metro Manila lamang siya sa loob ng walong araw na nawala siya, subalit binalak din umano nito na lumantad at harapin ang warrant of arrest sa tamang panahon kaya nakikipag-ugnayan siya sa kanyang abogado.
Wala namang reklamo si Ocampo sa unang gabi niyang pagtulog sa opisina ng MPD-GAS. (Gemma Amargo-Garcia)