Ayon kay Tatad, ang pagpili kay Alan Peter Cayetano at Aquilino "Koko" Pimentel III ay sumasalungat sa Saligang Batas at sa "rules of decency and fairness".
Si Tatad, na kumalas sa kampo ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa isyu ng "political dynasty" ay tahasang tumututol sa pagtakbo ng dalawa na nangatwirang "there is no law against it".
Saad pa ng dating senador na ang ganitong walang kuwentang katwiran ang naging laman pa ng kanilang mga slogan sa kampanyahan at hindi man lamang nila namamalayan na inilalagay nila ang kanilang sarili kasama ng mga "dynasty candidates".
Giit ni Tatad, si Koko ay anak ni Sen. Aquilino "Nene" Pimentel Jr. at kadalasan pang napagkakamalang siya ang kanyang ama at si Alan ay kapatid naman ni Sen. Pia Cayetano na wala man lamang nabalitaang ginawa. Sina Sen. Nene at Pia ay parehong mananatili sa Senado hanggang 2010.
Inilahad ni Tatad ang kanyang takot sakaling manalo pareho ang mga Pimentel at Cayetano dahil mawawalan ng tamang representasyon ang 18 milyong pamilya na bumubuo sa 90 milyong populasyon.