Ito ang sumang sagot ni Bayan Muna Congressman Satur Ocampo nang unang mapaulat ang arrest warrant na ipinalabas laban sa kanya at ang paghahanap sa kanya ng mga awtoridad.
Hinihinala niya na ang pagpapakulong sa kanya ay bahagi ng planong ubusin at huwag paupuin sa Kongreso ang mga militante o maka-Kaliwang partylist.
At mukhang magkatotoo ang kanyang pangamba.
Isang human right lawyer na si Nere Colmenares ng Council for Defense of Civil Liberties ang nagsabing baka susunod na aarestuhin ang mga kasamahang mambabatas ni Ocampo sa Bayan Muna na sina Liza Masa, Rafael Mariano at Teddy Casino.
Sinabi ni Colmenares na nahaharap din sa kasong double murder sa isang korte sa Nueva Ecija ang tatlong partylist representatives. Akusado rin dito si Ocampo.
May kaugnayan ang kaso sa pagkakapaslang umano sa mga tagasuporta ng Bayan Muna sa Bongabong, Nueva Ecija.
"Kung isinampa na sa korte ang kaso, makukulong ang lahat ng apat na party-list representatives na ito," sabi pa ni Colmenares sa isang pulong-balitaan sa Quezon City kahapon.
Ang murder case ay bukod pa sa kasong kinakaharap ni Ocampo sa isang korte sa Leyte kaugnay ng pagkakapaslang ng New People’s Army sa ilang mga hinihinalang espiya ng gobyerno na naganap may 20 taon na ang nakakaraan.
Kinuwestyon naman ng mga abogadong sina Rene Saguisag, Dean Pacifico Agabin at Nelly Avena ang legalidad ng arrest warrant laban kay Ocampo dahil naganap ang krimen habang nakakulong ito.
Samantala, sinabi kahapon ni Commission on Elections Law Department Director Atty. Alioden Dalaig na posibleng madiskwalipika at hindi makatakbo sa halalan sa Mayo 14 ang Bayan Muna party-list group dahil sa mga alegasyong nakikipag-ugnayan ito sa NPA.
Ginawa ni Dalaig ang pahayag dahil sa ulat na ilang campain paraphernalia ng Bayan Muna ang nakuha ng mga tauhan ng militar sa isang kuta ng NPA sa Davao kamakailan.
Iginiit ni Dalaig na kung mapapatunayan ang ugnayan ng dalawang grupo, posibleng magamit itong basihan upang kanselahin ang rehistrasyon ng Bayan Muna sa Comelec bilang partylist.