Binalaan ni Drilon ang GO na huwag maglagay ng ika-12 kandidato sa senatorial slate nito dahil ikakampaya pa rin ng LP si Pangilinan kasama ang iba pang kandidato ng oposisyon tulad ng naunang napagkasunduan nila.
Pero ayon kay GO spokesman Atty. Adel Tamano, posibleng maglagay sila ng kapalit ni Pangilinan at ang napabalitang ilalagay ay si dating Sen. Gringo Honasan o di kaya’y ang aktor na si Richard Gomez.
Ayon kay Eastern Samar Governor Ben Evardone, tagapamahala ng media operations ng Team Unity senatorial ticket ng administrasyon, ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita lamang na nagkakawatak-watak at nagkakagulo na ang oposisyon dahil sa mga internal na away at bangayan ng mga kandidato at mga pulitikal na grupong sumanib dito.
Bukod pa dito, binulgar din ni Evardone na ang naunsiyaming unang out-of-town rally ng GO sa Iloilo ay kinansela hindi dahil sa isang "security threat" tulad ng sinabi ng oposisyon kundi dahil sa nilangaw ito.
Ayon kay Evardone, kulang-kulang na 50 katao lamang ang pumunta sa rally ng GO sa Iloilo na siya pa namang ipinagmamalaki nito na balwarte daw ng oposisyon.
Sinabi pa ni Evardone na bukod sa kakulangan ng organisasyon at makinarya, dala rin ng GO ang bigat ng mga pulitikal na awayan ng mga kaanib nito at gayun din ang negatibong epekto ng political dynasty at nepotismo sa kakayahan nitong magsagawa ng malawakang kampanya para sa darating na halalan.
Napabalitang pumasok na si Sen. Sergio Osmeña III bilang campaign manager ng oposisyon para lamang matigil na ang bangayan ng dalawang magkapatid na Sen. Jinggoy Estrada at San Juan Mayor JV Ejercito tungkol sa kung sino ba ang dapat maghari at kumontrol ng kampanya ng GO.
Sa kabilang dako, ipinakita naman ng Team Unity na ito ay karapat-dapat sa pangalan nito dahil ito ay mananatiling nagkakaisa at nakatuon ang pansin sa kampanya. (Rudy Andal At Malou Escudero)