FG humarap sa korte

Personal na humarap kahapon sa sala ni Manila Regional Trial Court Judge Rosario Cruz si First Gentleman Mike Arroyo para magbigay ng testimonya sa kasong libelo na isinampa niya laban sa publisher-columnist ng Malaya na si Jake Macasaet.

Inireklamo ni Arroyo na malisyoso at nakakasira sa kanyang reputasyon ang kolum ni Macasaet na Business Circuit na nalathala sa Malaya noong Hulyo 9, 2004 at nagpaparatang na hindi umano niya tinupad pagkatapos ng eleksyon ang medical assistance na naunang ipinangako ng kanyang pamilya sa isang tauhan ng Presidential Security Group.

Sinabi pa ng Unang Ginoo na tungkol lamang sa mga negosyo ang kolum ni Macasaet pero mas pinili nitong magsulat ng mga tsismis.

Gayunman, ipinapaliwanag ni Macasaet na factual information lang ang nilalaman ng kanyang kolum at hindi naglalayong siraan ang Unang Ginoo. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments