Dakong 8:30 ng umaga nang dumating si Honasan sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila kasama ang asawang si Jane at mga anak na sina Kaye at Kim. Kasama rin nito ang abogadong si Daniel Guttierez.
Nabatid na pinayagan ng Makati Regional Trial Court na makalabas mula sa pagkakapiit si Hona san sa Fort Sto. Domingo. Binigyan ito ng korte ng mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali upang matapos nito ang kanyang pagsusumite ng COC.
Bahagya namang kinabahan ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagdagsa ng daan-daang miyembro ng Philippine Guardians Brotherhood Inc. na nagbuhat pa mula sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna at Batangas para suportahan si Honasan.
Gayunman, wala namang naganap na kaguluhan at puro hiyawan lamang ang naganap.
Si Honasan ang ika-27 kandidato na nagsumite ng kanilang COC sa pagka-senador sa Comelec kung saan sinundan nito si Lt. Senior Grade Antonio Trillanes na nagsumite naman kamakalawa ng kanyang COC.
Nang tanungin ng mga mamamahayag sa kanyang kundisyon, sinabi nito na maayos naman siya kahit na halatang namayat at iika-ika pa rin sa paglalakad dulot ng sugat na tinamo nito nang maaresto ng militar.
Sinabi naman ng kanyang abogadong si Guttierez na kaya namang maglunsad ng malawakang kampanya ni Honasan na isasagawa ng pamilya at mga kaibigan nito. May "name recall" na rin naman si Honasan dahil sa pagiging dating senador kaya naniniwala sila na muli itong makakaupo sa Mataas na Kapulungan.
Muli umano nitong ipaglalaban ang kapakanan ng mga sundalo at pulis at magsusulong ng mga batas na mangangalaga sa kalikasan tulad ng naisulong nitong Clean Air Act, Clean Water Act at Land Use Act. (Danilo Garcia)