Bush bumilib kay PGMA sa paglipol sa Abu Sayyaf

Natuwa ang Estados Unidos sa matagumpay na kampanya at paglipol ng Pilipinas sa Abu Sayyaf Group (ASG) na itinuturing ng una na terorista dahil sa pakikipag-ugnayan ng mga ito sa international terrorist na Al Qaeda.

Kaugnay nito, nagpahatid ng kanyang pagbati sa pamamagitan ng tawag sa telepono si US President George Bush kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa tagumpay ng pakikipaglaban ng pamahalaan laban sa ASG.

Ayon kay Press Sec. at Presidential spokesman Ignacio Bunye, kasalukuyang nasa Davos, Switzerland si PGMA at dakong alas-11 ng gabi noong Biyernes nang tawagan siya ni Bush at ipaabot ang kanyang pasasalamat.

"You are a big shot... That’s fantastic cooperation and will keep it that away," pahayag umano ni Bush kay PGMA ayon pa kay Bunye.

Ayon kay Bunye, pinasalamatan naman ni Arroyo si Bush sa tulong na ipinagkaloob nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na sa civic action at pagbabahagi ng US sa Pilipinas sa larangan ng intelligence networking.

Ang pagbati at paghanga kay PGMA ay ginawa ni Bush kasunod ng pagkakapatay kina ASG chief planner Abu Solaiman at sa kumander nito na si Khadaffy Janjalani.

Nilinaw naman ng US na ang tulong-kaloob ng US sa pagkakapatay kay Solaiman at Janjalani ay limitado lamang sa intelligence support at wala ring tulong ang mga ‘Kano sa combat operation.

Show comments