Ito ang idineklara kahapon sa isang press statement na ipinadala sa Defense Press Corps ng US Embassy kung saan ang taunang war games ay ipagpapatuloy muli matapos maantala bunsod ng isyu kay Smith sa darating na Pebrero 8 at tatagal hanggang Marso 4 ng taong ito.
Ayon kay Mark Zimmer, US Information officer ng Balikatan 2007, mas tututukan ng nakatakdang joint military exercise ang mga humanitarian projects sa strife-torn areas sa Mindanao Region.
Nabatid na pagtutuunan ng US at Philippine troops ang paglulunsad ng civil-military operations kabilang na rito ang pagkakaloob ng medical assistance sa mga lugar na apektado ng paghahasik ng terorismo sa Jolo, Sulu na balwarteng lugar ng Abu Sayyaf militants na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist.
Magugunitang nagkalamat ang ugnayan sa pagitan ng US at Pilipinas noong nakalipas na Disyembre matapos na hatulan ni Judge Benjamin Pozon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 139 si Smith na guilty sa kasong rape sa Filipinang si Nicole na naganap noong Nobyembre 1, 2005 sa Subic Bay Freeport sa Zambales. (Joy Cantos)