Private army kalat sa Metro

Pinangangambahang magiging madugo ang eleksyon dahil sa paglaganap ng mga private armies ng mga pulitiko sa Metro Manila.

Dahil dito, palalakasin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Director Reynaldo Varilla ang kampanya laban sa mga baril na walang lisensiya at mga private armies sa Metro Manila kaugnay sa nalalapit na May elections.

Sinabi ni Director Varilla, makikipagpulong siya ngayon sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at intelligence community sa Camp Crame.

Wika pa ni Varilla, tatalakayin sa nasabing pulong ngayon ang mga ‘preventive measures’ laban sa pagkalat ng mga armas na walang lisensiya alinsunod sa ipinapatupad na gun ban ng Comelec.

"Itong private armed groups ay seasonal lang. Dumarating lang ito kapag mayroong eleksyon kaya yun ang ating pinagtutuunan ng pansin sa ngayon," paliwanag ni Varilla.

Idinagdag pa ng NCRPO chief, puspusan ang kanilang magiging kampanya sa anti-crime upang masupil din ang kidnapping at nakawan sa panahon ng eleksyon. (Joy Cantos)

Show comments