Sa ipinalabas na 60-day temporary restraining order (TRO) nina CA Special 4th Division Associate Justices Regalado Maambong, Rosmari Carandang at Arturo Tayag, pinigilan nito ang pagpapatupad ng anim na buwang suspension kay Sanchez dahil sa kasong graft and corruption.
Inatasan din ng CA sina Ombudsman Merceditas Gutierrez, DILG Sec. Ronaldo Puno, Philippine National Police (PNP) at si Vice Governor Ricky Recto na magsumite ng komento sa loob ng 10-araw kaugnay sa ipinalabas na suspension laban kay Sanchez habang binigyan naman ng 5-araw ang kampo ng governor para magkomento sa sagot ng respondents.
"To maintain the status quo and in order to forestall the petition at bench from becoming moot and academic, and to preserve the rights of the applicant petitioner Sanchez pending resolution of the instant petition for the issuance of writ of preliminary injunction, the court hereby issues a temporary restraining order for 60-days," anang resolusyon.
Ang 60-day TRO ay nakamit ng kampo ni Sanchez isang araw matapos itong bigyan ng 24-oras deadline ng DILG para lisanin ang kapitolyo.
Nagpasalamat naman si Sanchez sa mga mahistrado ng CA kaugnay sa ipinalabas na TRO nito.
Pawang nakasuot ng pulang t-shirts, nagdiwang ng isang misa ang mga tagasuporta ni Sanchez sa harap ng kapitolyo at nanawagang ipagpatuloy ang naantalang normal na operasyon ng pamahalaang panlalawigan.
Nitong Miyerkules ay nakakuha rin ng TRO si Iloilo Gov. Niel Tupas na humarang sa dismissal order ng DILG laban sa kanya. (Grace Amargo-Dela Cruz At Arnell Ozaeta)