Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, kinumpirma ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr., ang pagkakapatay ng tropa ng Armys 8th Special Forces Company (SFC) sa pamumuno ni Lt. Almirante Mijares kay Solaiman, ang self-proclaimed spokesman ng grupo at may patong sa ulong $5 milyon.
" I am officially confirming the death of Abu Sayyaf urban terror group leader Jainal Antel Sali alyas Abu Solaiman," pahayag ni Esperon.
Una nang napaulat na nasugatan sa sagupaan si Solaiman, 41, matapos lusubin ng militar ang kampo ng mga ito. Isa pang miyembro ng mga bandido ang namatay habang dalawa namang kasapi ng Army Special Forces Company (SFC) ang nasugatan. Subalit sa beripikasyon ay lumitaw na napaslang ang naturang Sayyaf top leader.
Si Solaiman maliban sa pagiging spokesman ng Abu Sayyaf ay siya ring tumatayong Logistics and Supply Officer at overall leader ng ASG Urban Terrorist Group na responsable sa pagpaplano ng pambobomba ng grupo.
Tumagal ng tatlong oras ang bakbakan sa bisinidad ng Mt. Dajo matapos na i-tip ng mga tipster ng militar ang kuta ng mga bandido.
" The action agents confirmed one of whom have been with him for 5 years identified with the picture and the most prominent picture would be the space between two front teeth," ayon kay Esperon.
Si Solaiman ay kasama sa talaan ng mga most wanted na Abu Sayyaf leader at sangkot sa pagkidnap at pamumugot ng ulo ni Peruvian-American hostage Guillermo Sobero na kabilang sa 20 kataong hinostage sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong 2001.
Napatay sa rescue operation si American missionary Martin Burnham habang sugatang nailigtas ang asawa nitong si Gracia.
Sangkot din si Solaiman sa pagbihag sa may 200 sibilyan kabilang si Fr. Cirilo Nacorda sa Lamitan siege noong Hunyo 2001, utak sa Superferry 14 bombing sa Corregidor Island, Bataan noong Peb. 27, 2004, nagplano ng Valentines day bombing noong 2005 sa mga lungsod ng Makati, Davao at General Santos. (Joy Cantos At Lilia Tolentino)