Panibagong taas kuryente nakaamba

Mariing kinondena kahapon ng ilang kongresista mula sa oposisyon ang plano ng administrasyong Arroyo na lumagda sa bagong kontrata sa mga independent power producers o IPPs dahil magiging dahilan umano ito sa mas mataas na presyo ng kuryente.

Ayon kina Bayan Muna Rep. Teodoro "Teddy" Casiño, at Citizens Battle Against Corruption Rep. Joel Villanueva, siguradong tataas na naman ang buwanang bayarin sa Purchased Power Adjustment (PPA) dahil sa nilulutong power deal.

"By forging new power supply agreements with IPPs, this government is virtually opening the floodgates for the demons of the power sector, which is the PPA,"ani Casiño.

Muli aniyang magbabalik ang masasayang araw ng mga IPP-PPA na magiging dahilan naman upang umangal sa mataas na presyo ng kuryente ang mga mamamayan.

Ginawa ni Casiño ang reaksiyon matapos ihayag ni Energy Secretary Raphael Lotilla na posibleng pagbigyan ng gobyerno ang apela ng German power firm na STEAG-AG para sa bagong power supply agreement na magiging daan sa pagpapalawak ng power generation capacity ng kompanya sa Misamis Oriental ng mula 100 hanggang 150 megawatts.

Sinabi ni Casiño na wala namang krisis sa kuryente ang bansa kaya walang dahilan upang palawakin ang power generation capacity ng pinapaborang IPP.

Ipinaliwanag ni Casiño na ang PPA ay ang binabayarang kuryente ng mga mamamayan kahit hindi naman nakukunsumo. Hinala naman nina Villanueva at Casiño na ang sobrang sisingilin sa kuryente ng mga mamamayan ay gagamitin sa nalalapit na eleksiyon. (Malou Escudero)

Show comments