Dead-on-the-spot ang biktimang si Rafael delas Alas alyas Ka Paeng, 68-anyos, dahil sa tama ng baril sa ulo.
Si delas Alas ang manager o administrator ni Leviste at siyang humahawak ng mga negosyo ng dating gobernador.
Agad namang sumuko si Leviste kay Makati Mayor Jejomar Binay at inamin sa alkalde ang pamamaril, subalit iginiit na isang self-defense ang nangyari dahil babarilin umano siya ng biktima.
Kinumpirma naman ni Binay na sumuko na sa kanya si Leviste kaugnay sa naganap na barilan, pero walang sinumpaang salaysay maliban sa pahayag na self-defense ang nangyari.
Bagamat walang tinamong mga sugat, naka-confine sa Makati Medical Center si Leviste matapos tumaas ang blood pressure nito. Dati nang may sakit sa puso si Leviste.
Sa sketchy report ni Police Sr. Inspector Marlon Almoguera, hepe ng Homicide Section, Criminal Investigation Unit (CIU) ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong 12:30 ng tanghali sa loob mismo ng opisina ni Leviste sa 9th floor ng LPL Building, sa Legazpi Village, Makati City.
Natagpuang naka-upo sa harap ng lamesa ni Leviste si delas Alas hawak ang isang 9mm baril at may tama ng bala sa kaliwang ulo.
Natagpuan din ang isang kalibre .38 baril sa ibabaw ng lamesa at nakarekober pa ang mga pulis ng apat na basyo ng mga bala.
Inaalam pa ng pulisya kung may naganap na inuman bago nagkapalitan ng putok dahil sa nakitang mga bote ng alak sa lamesa.
Ayon naman sa pulisya, itinuturing na sarado at solved na ang kaso dahil sa pag-amin ni Leviste sa krimen.
Sa kasalukuyan ay under-arrest na si Leviste kung saan habang nasa Makati Med ay magbabantay dito ang mga pulis.
Si Binay pa lamang ang nakakausap ni Leviste at wala pang ibang detalye sa insidente.
Samantala, nilinaw naman ni Loren na matagal na silang hiwalay ni Leviste at masaya na anya siya sa pagiging single mother. (Lordeth Bonilla)