Gonzalez kay Jinggoy: ‘Tumakbo ka sa Iloilo!’

Sa halip na patulan ang patutsada ni Sen. Jinggoy Estrada, hinamon ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang senador na tumakbong kongresista sa Iloilo, ang teritoryo ng kalihim.

Ayon kay Sec. Gonzalez, wala umanong karapatan si Sen. Estrada na siya’y hamunin na tumakbo sa pagka-senador.

"Who is he to chal-lenge me? I have my own agenda," ani Gonzalez.

Una nang nagpahayag si Gonzalez kamakalawa na ang senatorial line-up ng mga taga-oposisyon ay ‘amoy-lupa’ na tulad ni dating Vice Pres. Teofisto Guingona at sakaling magwagi ang kanilang hanay ay mapupuno umano ang Senado ng ‘ancient senators.’

Sinagot ito ni Jinggoy na tumakbo na rin si Gonzalez sa pagka-senador lalo’t maituturing na rin itong ‘ancient senator’.

Ayon naman kay House Minority Leader Francis Escudero, karapatan ng sinumang kuwalipikadong kumandidato ang sumali sa eleksiyon at mamamayan pa rin ang magdedesisyon kung sino ang dapat na manalo sa mga kandidato ng oposisyon at administrasyon.

Sinabi pa ni Escu-dero na malaki ang paggalang niya kay Guingona at nararapat naman itong isama sa kanilang senatorial slate sakaling magdesisyon na tumakbong senador.

Sa ngayon anya ay hindi na nila pinagtutuunan ng atensiyon ang mga sinasabi ni Gonzalez laban sa mga kandidato ng oposisyon dahil nag-iisa lamang ang boto ni Gonzalez. (Grace dela Cruz/Malou Escudero)

Show comments