Sa press conference kahapon nina CBCP spokesman Msgr. Pedro Quitorio, CBCP Sec. General Msgr. Juanito Figura at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) chairman Henrietta de Villa, siniguro nila sa publiko na magiging matahimik at mapayapa ang kanilang pagtitipon.
Wala umanong papahintulutan sa kanilang mga miyembro na magdala ng banner at streamer na naglalaman ng mga pagbatikos sa gobyerno, sa halip ay mga panalangin ang kanilang dalang baon para sa minimithing kapayapaan at pagkakaisa ng mga nagkawatak-watak na mga Pilipino.
Bandang alas-2 ng hapon ang pagtitipon at dakong alas-3 sisimulan ang programa sa pamamagitan ng pambungad na panalangin at pagbati mula kay CBCP Pres. Angel Lagdameo.
Alas-4 ng hapon ay pangungunahan naman ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang isang misa kung saan ito rin ang magho-homily at alas-6 ng gabi ay isasagawa ang isang candle lighting.
Ang vice president for academic affairs naman ng De La Salle Araneta University ang maglalahad ng layunin ng nasabing okasyon.
Nilinaw ni de Villa at mga opisyal ng CBCP na kung may mga pulitiko mang dadalo sa prayer rally ay hindi nila bibigyan ng pagkakataon ang mga ito na magsalita sa entablado. (Gemma Amargo-Garcia)