Ayon kay Pasig City Mayor Vicente "Enteng" Eusebio, kung gusto umano ni Dodot na gumawa ng ingay sa politika ay gawin niya ito ng tumutulong sa pagbibigay kabuhayan sa mga taga-Pasigueno at hindi ang kung anu-anong isyu katulad ng sinasabi ng solon na pagtatangka sa buhay nito matapos pasabugin umano ang sasakyan nito.
Matatandaang pinagli-leave of abscence ng mga kongresista si Eusebio upang maiwasan umanong maimpluwensiyahan nito ang isasagawang imbestigasyon.
Pero nabatid na sa kasalukuyan ay hindi pa itinuturing ng mga imbestigador na suspek sa insidente si Eusebio.
Base sa inisyal na resulta sa isinagawang pagsusuri ng PNP Bomb Data Center sa Camp Crame, pinasabog sa pamamagitan ng isang uri ng Improvised Explosive Device (IED) ang sasakyan ni Dodot.
Ayon sa mga opisyal, nakakuha ang mga imbestigador ng ebidensiya ng debris o latak ng nitrate, isang uri ng eksplosibo na nakolekta mula sa sumambulat na Innova.
Narekober din ng Scene of the Crime Operative (SOCO) team ang electrical wiring ng bomb container mula sa sumabog na van. Malaki umano ang posibilidad na itinanim ang bomba sa ilalim ng sasakyan o sa likurang bahagi ng passenger seat kung saan nakaupo si Jaworski.
Nabatid na ang nitrate ay isang uri ng sangkap pampasabog na kailangan pang haluan ng iba pang uri ng materyales para lumikha ng pampasabog.
Magugunita na nakaligtas sa tiyak na kapahamakan si Dodot, kapatid na si Ryan at isang staff matapos na makatalon sa naturang Toyota Innova bago pa man ito sumabog sa kahabaan ng C-5 Road sa Pasig City.
Nauna nang sinabi ni Dodot na pulitika at illegal na droga ang hinala niyang motibo ng pagtatangka sa kanyang buhay. Nakahidwaan ng solon si Eusebio sa isyu ng raid sa shabu tiangge sa lungsod kamakailan.
Si Dodot ay tatakbong Mayor ng Pasig City sa darating na local elections kung saan posibleng makalaban nito sa puwesto ang anak ni Mayor Eusebio na si Bobby na ngayon ay nangungunang konsehal ng lungsod.