Sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Calderon na may 1,900 pulis kabilang ang may 600 miyembro ng Civil Disturbance Management Units (CDM) ng NCRPO, Central Luzon at Southern Tagalog security forces ang ikakalat sa bisinidad ng Rizal Park, samantalang ang nalalabi pang puwersa ay itatalaga sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno sa Metro Manila.
Inihayag ni Calderon na inaasahan niyang magiging mapayapa ang idaraos na rally kasabay ng panawagan sa mga militanteng grupo na huwag isabotahe ang okasyon.
Inaasahang dadalo sa rally si dating Pangulong Cory Aquino, Sens. Manuel Villar, Franklin Drilon, Panfilo Lacson, Alfredo Lim at iba pang prominenteng pulitiko at personalidad.
Kabilang naman sa mga organizer ng vigil maliban sa CBCP ay ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting, Catholic Education Association of the Philippines at El Shaddai Movement.
Maliban sa Luneta Park ay mauunang magkakaroon ng prayer rally kontra Cha-cha sa mga lalawigan sa Biyernes.
Magugunita na itinakda ng CBCP ang prayer rally sa Disyembre 15 subalit dahilan sa hindi available ang venue ay itinakda ito sa darating na Disyembre 17. (Joy Cantos )