Katatapos lamang basahin ni de Venecia ang kanyang inihandang statement kaugnay sa panawagan sa Senado na isulong ang Constitutional Convention, inihayag nitong "open" na para magtanong ang media, pero agad na tumayo si Constantino at pinagsisigawan ang Speaker.
"You raped the constitution and now youre changing the rules!" sigaw ni Constantino.
Sinabi ni Constantino na bagaman at hindi siya miyembro ng media, nagtungo umano ito sa press conference ni de Venecia upang ihayag ang kaniyang damdamin dahil walang kahihiyan ang mga kongresista sa pagsusulong nilang baguhin ang Konstitusyon.
Habang itinutulak palabas ng kuwarto ng mga security si Constantino, isang Vic Agustin, na kolumnista ng Philippine Daily Inquirer ang nagsaboy ng isang basong tubig sa mukha nito.
Hindi pa nakuntento, muling sinabuyan ng tubig ni Agustin ang nagwawalang si Constantino, pero nabitawan ng una ang hawak na baso at natamaan sa may sentido si Dennis Geron, reporter ng RMN News Manila.
Nagkahamunan pa sina Constantino at Agustin pero hindi naman nagpang-abot dahil nailayo kaagad ng mga security si Constantino na nakababatang kapatid umano ni Katrina Constantino-David, Chairperson ng Civil Service Commission.