Ito ang inirereklamo ng daan-daang pulis na itinalaga sa ASEAN Summit sa Cebu City sa susunod na linggo upang magbantay sa mga delegado na darating dito.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, nasusuka na umano ang mga pulis dahil bukod sa tuyo, maasim na hotdog at panis na ulam ang pinapakain sa kanila, paulit-ulit din umano ang menu at kung minsan ay puro taba pa.
Idinagdag pa nito na ang inilaang budget sa kanilang meal allowance ay P150 kada araw subalit ang ibinibigay umano sa kanila ay pack lunch na nagkakahalaga lamang ng P25.
Nabatid na nakipag-dialogue na sila dati kay Police Deputy Director General Isidro La Peña at pumayag ito na ibigay na lamang sa mga pulis ang P150 meal allowance na sinunod naman ng Regional Director ng Region 7 at ng finance officer nila na may hawak ng budget.
Subalit ibinalik si Gen. La Peña sa Camp Crame at makalipas ang ilang araw ay muling ibinalik sa pack lunch ang kanilang pagkain.
Hinaing din ng may 400 Police Security and Protection Office (PSPO), 300 Traffic Management Group (TMG) at mga operatiba ng Special Action Forces (SAF) ang accomodation na ibinigay sa kanila.
Nabatid na ang mga opisyal ay natutulog sa CTS Condominium subalit ang mga sarhento at mababang ranggo sa ibang unit na nasa Uniwide ay sa lupa at sasakyan na lamang natutulog.
Takot namang lumantad ang mga nagrereklamo sa takot na ipatapon sila sa Mindanao sa sandaling mabulgar ang umanoy anomalya ng kanilang mga opisyal. (Gemma Garcia)