Misis ng Bali bomber idineport na sa Indonesia

Ipinatapon na palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) si Istiada Sovie, asawa ng Bali bomber na si Ammar Bin Usman alyas Dulmatin.

Ayon kay BI Commissioner Alipio Fernandez, nai-release na ang mga clearances ni Sovie mula sa National Bureau of Investigation at mga korte sa Zamboanga City at Sulu kaya ito ay agad na naipadeport ng BI pabalik sa Indonesia kasama ang kanyang dalawang anak.

Si Sovie ay sakay ng Singapore airlines at inihatid ng mga civil security ng BI kasama si Senior State Prosecutor Leo Dacera at ang consul ng Indonesian Embassy.

Si Sovie ay nadakip ng mga elemento ng BI sa NAIA noong Oktubre matapos madiskubreng peke ang mga hawak nitong travel documents. Habang iniimbestigahan ito, nadiskubre ng mga awtoridad na si Sovie ay asawa ni Dulmatin, isa sa suspek sa Bali bombing noong 2002. (Butch Quejada/Grace dela Cruz)

Show comments