Planong pagkansela sa eleksiyon kinontra

Binanatan kahapon ng oposisyon ang rekomendasyon ng technical working group ni Speaker Jose de Venecia na i-postpone ang eleksiyon sa darating na Mayo dahil sa isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon,

Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero, lumabas na rin ang katotohanan na hindi para sa mga mamamayan ang isinusulong ng Charter change kundi upang mapalawig ng termino ng mga nakaupong opisyal ng gobyerno.

"At least lumabas na ang katotohanan sa matagal na panahong sinasabi namin na isa lang ang pakay ng Chacha, ito ay i-postpone ang halalan, palawigin ang termino ng mga opisyal na kakampi ng Pangulo," ani Escudero.

Gayunman, sinabi nito na hindi sa lahat ng oras ay palaging ang mga kakampi ng Palasyo ang masusunod dahil kailangan pang ipaliwanag sa mga mamamayan kung bakit dapat ipagpaliban ang eleksiyon.

Sinabi pa ni Escudero na handa ang minorya na dalhin sa Korte Suprema ang naturang isyu at buo pa rin ang pag-asa nila na magdedesisyon ang Korte ng naaayon sa batas. (Malou Escudero)

Show comments