Sa ginawang botohan, 32 kongresistang kasapi ng komite ang nagbasura sa mosyon ni Cayetano samantala 9 lamang ang kumatig sa kanya.
Pinanindigan ng komite na mayroon silang jurisdiction sa kaso ni Cayetano kaya itutuloy ang pagdinig para sa pagpapatalsik sa kongresista.
Nag-ugat ang expulsion case na inihain nina First Gentleman Mike Arroyo, Pampanga Rep. Mikey Arroyo, Negros Occ. Rep. Ignacio Arroyo at Presidential Son Dato Arroyo sa ginawang pagbubunyag ni Cayetano na may secret multi-million dollar account ang First Family sa Germany.
Nagsampa rin ng libel case ang mga Arroyo laban kay Cayetano dahil sa nabanggit na isyu.
Pero sinabi ni Cayetano na hindi na siya kailangang patalsikin bilang miyembro ng Kongreso at nakahanda syang magbitiw kung pipirma sa isang waiver ang mga Arroyo upang mabusisi ang ibat ibang bank accounts ng mga ito.
Matatandaan na nagtungo pa sa Germany ang Unang Ginoo upang humingi ng sertipikasyon mula sa Hypovereins Bank sa Germany na magpapatunay umano na wala siyang account sa nasabing bangko. (Malou Escudero)