Nagkasundo ang Kamara at Senado na dapat ihalo ang 5% bioethanol sa gasolina sa loob ng dalawang taon, habang 1% naman ng biodiesel ang puwedeng ihalo sa diesel sa loob ng tatlong buwan matapos na maging batas ito.
Ang biofuels ay manggagaling sa niyog, tubo, cassava at mais kung saan ililibre na ito sa VAT.
Naniniwala si Sen. Richard Gordon, isa sa may-akda ng Senate Bill 2226, na dadagsa ang mga investors na siyang magpapaunlad ng agro-industrial sector sa ating bansa sa sandaling maging ganap na itong batas.
Sinabi pa ni Gordon na laganap na rin sa ibang bansa ang paggamit ng bio-fuel at katunayan ilang malalaking kompanya ng mga sasakyan ang nag-disenyo ng makina na angkop na paggamitan nito.
Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri na maituturing na "best Christmas gift" ang nasabing panukala para sa mga Pinoy na umaangal dahil sa taas ng presyo ng gasolina at sa polusyon na dulot nito.
Sigurado rin anya na dadami na ang magtatanim ng niyog, mais, cassava at tubo dahil magagamit na itong pandagdag sa gasolina.
Bukod sa malinis ito sa kalikasan, magkakaroon din ng positibong epekto ito sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo sa ating bansa. (Rudy Andal/Malou Escudero)