Ipina-blotter sa Quezon City Police station 6 ni Virginia Altamerano, 36, empleyado ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine sa West Triangle, Quezon City ang ginawa sa kanya ni Lanao del Sur Rep. Faysah Dumarpa. Ang nabanggit na restaurant ang House caterer ng araw na yon.
Base sa reklamo ni Altamerano, pinagsasampal siya ni Congw. Dumarpa dakong 6:30 ng gabi kamakalawa dahil sa inihaing pansit. Natanggal umano ang hikaw niya sa lakas ng pagkakasapok sa kanya.
Dumampot pa umano ng bread knife ang Congresswoman at tangkang susugurin ng saksak si Altamerano pero agad itong napigilan ng kanyang mga kapwa mambabatas.
Sa sulat naman na ipinadala ni Dumarpa kay Ramon Sy, ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine, hiniling nito na patalsikin sa kanilang trabaho ang lahat ng crew members na sangkot sa naganap na insidente.
Sinabi ni Dumarpa sa isang panayam na ilang beses niyang tinanong ang ilang waiter kung mayroong baboy ang pansit na ibinigay sa kanya pero siniguro umano ng mga ito na pork-free ang pansit.
Naubos na ni Dumarpa ang pansit at kumakain na ito ng dessert na cake nang mapansin ito ng isang Mulism Congressman at tinanong kung bakit ito kumain ng pansit na may baboy.
Bigla umanong nagdilim ang paningin ni Dumarpa at sinugod si Altamerano.
"As a Muslim, it is forbidden in Islam for a believer to eat pork or its derivatives. To do so is a grievous sin. An intentional consumption of such meat would hinder me from gaining entrance to paradise," paliwanag pa ni Dumarpa.
Sinabi pa ni Dumarpa na naging polisiya na ng Kamara na mga "Halal foods"o pagkaing walang baboy ang puwedeng ihain sa kanila.
Ayon naman kay Supt. Tante Agpaoa, hepe ng station 6 na hindi pa naghahabla si Altamerano at ipina-blotter lang nito ang insidente.