Hindi ako ang nang-harass — FG

Iginiit kahapon ni First Gentleman Mike Arroyo na hindi siya ang nanggigipit bagkus siya ang hinaharass kaugnay sa naging batikos nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Jinggoy Estrada sa tangkang pag-aresto sa Malacanang reporter na si Mia Gonzales kaugnay sa kasong libelo nito.

Hinamon ng tagapagsalita ni FG Arroyo na si Atty. Jess Santos sina Sen. Lacson at Sen. Estrada na tigilan na ang pamumulitika at grandstanding bagkus ay magpakatotoo ang mga ito at itigil ang iresposableng pag-aakusa sa Unang Ginoo.

Sinabi ni Atty. Santos, walang kapangyarihan si FG Arroyo sa PNP o sinumang opisyal sa gobyerno sapagkat isang pribadong mamamayan ito.

Samantala, naglagak ng P10,000 na piyansa si Ms. Gonzales sa Manila Regional Trial Court para sa kasong libelo nito habang humingi naman ng paumanhin ang liderato ng PNP at Manila Police District sa Malacanang Press Corps. (Lilia Tolentino)

Show comments