Sinabi ni Mayor JV Ejercito, handa siyang magbigay-daan kay Sen. Loi kung talagang nais nitong muling tumakbo sa nalalapit na senatorial election sa May 2007 kahit siya ang pinili ng kanyang amang si dating Pangulong Estrada na mapabilang sa senatorial line-up ng oposisyon.
Ayon kay Mayor JV, hindi lamang naman sa pagiging senador maipapakita ang paglilingkod sa ating mga kababayan at kung kinakailangan na muli na lamang siyang tumakbong alkalde ng San Juan ay handa itong magsakripisyo.
Wika pa ng alkalde, si Pangulong Erap pa rin ang mayroong pinal na desisyon kung sino ang patatakbuhin nito sa hanay ng mga Estrada sa nalalapit na senatorial race.
"Handa akong magsakripisyo kung kinakailangan. Kung hindi ako ang mapili ni Pangulong Erap na tumakbo bilang senador sa hanay ng mga Estrada ay susundin ko ito, tutal hindi lamang naman sa pagiging senador makakatulong tayo sa ating mga kababayan," wika pa ni Mayor JV.
Aniya, ang inaasikaso niya ngayon ay ang cityhood ng San Juan kung saan ay lalo niyang napalago ang kita ng munisipalidad sa ilalim ng kanyang administrasyon at ang tanging hadlang na lamang para makapasa upang maging lungsod ang kanilang bayan ay ang census ng populasyon nila.
Magugunita na si JV ang napasama sa senatorial line-up ng kampo ni Erap kung saan ay hindi na isinama sa listahan sina Sen. Loi at Sen. Panfilo Lacson.
Ikinatwiran ng kampo ni Estrada na nais ng magpahinga sa pulitika ni Loi habang mas gustong tumakbong alkalde ni Lacson sa Maynila. (Rudy Andal)