Sa botong 8-7, pinaboran ng mga mahistrado sa isang en banc resolution ang kahilingan na harangin ang isinusulong na Charter change.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Carpio, sinabi ng SC na maituturing na "unconstitutional" ang petition na inihain nina Atty. Raul Lambino ng Sigaw ng Bayan at Rep. Erico Aumentado ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) dahil nabigo umano ang mga petitioners na maipaliwanag at maipakita sa mga mamamayan ang draft ng isinusulong na pagbabago ng Saligang Batas bago tuluyang papirmahin ang mga ito sa signature sheets.
"Clearly, the signature sheet is not the petition that the framers of the constitution envisioned when they formulated the initiative clause in section 2, article XVII of the constitution," anang desisyon.
Nadiskubre na ang 6 milyong signatories ay hindi umano pumirma sa petition maging sa amended petition na isinumite nito sa Comelec.
Nilinaw din ng Korte na pinapayagan lamang ang Peoples Initiative kung ito ay amendment subalit ang nais na paraan ng Sigaw ng Bayan ay sa pamamagitan ng revision o malawakang pagbabago.
Sinabi pa rin ng SC na hindi umano umabuso sa kapangyarihan ang Comelec sa ginawa nitong pagbasura sa petition ng grupo ni Lambino dahil sa pinagbatayan lamang umano nito ang naging desisyon ng SC sa Santiago vs Comelec.
Iginiit pa rin ng SC na hindi umano maaaring maniobrahin ng kahit na sino ang pagbabago ng Constitution lalo na kung tahasan nitong nilalabag ang nilalaman ng Saligang Batas.
Gayunman, binigyan ng SC ng 15-araw ang grupo ni Lambino na makapagsumite ng kanilang motion kaugnay sa nasabing usapin.
Una ng naghain ng petition ang Sigaw ng Bayan sa SC matapos na ibasura ng Comelec ang kanilang petition para sa pagbabago ng constitution sa pamamagitan ng Peoples Initiative.
Kabilang sa 8 mahistrado na bumoto kontra Cha-Cha sina Chief Justice Artemio Panganiban, Associate Justices Consuelo Ynares-Santiago, Angelina Sandoval-Gutierrez, Antonio Carpio (Ponente), Romeo Callejo Sr., Alicia Austria-Martinez, Conchita Morales at Adolfo Azcuna.
Kasama naman sa mga mahistradong nagnanais na magkaroon ng pagbabago ng sistema ng gobyerno sina Senior Associate Justice Reynato Puno, Leonardo Quisumbing, Associate Justices Renato Corona, Dante Tinga, Cancio Garcia, Presbitero Velasco at Minita Chico-Nazario. (Grace Dela Cruz)