Ayon kay Jaworski, dapat ituloy ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang pagsasagawa ng isa pang preliminary investigation upang mabatid ang pananagutan nina Pasig City Mayor Vicente Eusebio, ilang opisyal ng Pasig City Police force, ibang opisyal ng ULTRA at barangay captain ng Urambo, Pasig na nagbigay ng permit sa programang Wowowee para makapagtanghal sa Ultra noong Pebrero.
Ipinagtataka ni Jaworski kung bakit tanging 17 mga opisyal at tauhan ng ABS-CBN, ilang opisyal ng ULTRA at 3 security officers ng Goldlink Security and Allied Services ang sasampahan ng kasong "reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries."
Tungkulin din aniya ng Mayors office na i-regulate ang ganitong uri ng aktibidades na gaganapin sa kanilang hurisdiskyon.
"Nakita na nila ang daming tao, ilang araw pa bago ang takdang oras ng programa, pero wala silang ginawa. This is unfair. This is an injustice. Kinasuhan na ang iba, pero yung mga taong may malaking responsibilidad sa bayan di pa dumadaan sa preliminary investigation," sabi ni Jaworski.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang naganap na stampede sa Ultra ay bunga umano ng kapabayaan sa panig ng mga nag-organisa ng ng programa ng Wowowee. (Malou Escudero)