Ayon kay Claro Llave, chairman ng OAAP, dapat sanay magpadala muna ng liham na paalala ang mga awtoridad sa mga may-ari ng billboards upang magkaroon ng pagkakataon ang mga lehitimong negosyante na maibigay ang kanilang panig na naaayon naman sa umiiral na batas.
Bagamat hindi aniya nila tinututulan ang inilabas na administrative Order 160 ng Malacañang na nagbibigay kapangyarihan sa DPWH upang maisaayos ang kanilang industriya, hindi naman aniya ito nangangahulugan na mayroon ng "blanket authority" si Secretary Hermogenes Ebdane, Jr., upang isakatuparan ang walang habas na pagbabaklas ng mga billboards.
Ani Llave, bago ideklara na panganib sa buhay at ari-arian ang itinayong billboards, dapat ay mayroong mai-prisintang dokumento ang gobyerno na magpapatunay na sinuri nila ng husto ang istraktura at hindi ito ligtas sa pinagtayuang lugar.
Gayunman, nilinaw ng OAAP na hindi nila tinututulan ang pagbabaklas sa mga billboards na lubhang mapanganib sa mga pedestrians tulad ng nakalagay sa MRT, mga poste, overpass, waiting sheds at sa mga pangunahing lansangan. (Angie dela Cruz)