Inamin ni Press Secretary Igancio Bunye sa isinagawang budget hearing ng OPS sa Senate committee on finance na pinamumunuan ni Sen. Franklin Drilon, umaabot sa P4.5 milyon ang nagastos ng National Broadcasting Network (NBN Channel 4) para sa production cost nito ukol sa Chacha at inaasahan pa nila ang panibagong P2 milyong gastos para dito sa susunod na taon habang gumastos naman ang Public Information Agency (PIA) ng P3 milyon para sa Chacha information drive.
Sinabi ni Bunye na bahagi kasi ng advocacy ni Pangulong Arroyo ang pagsusulong ng Chacha.
Malaki naman ang paniwala ni Sen. Drilon na ang Sigaw ng Bayan movement na nangunguna sa pagsusulong ng Peoples Initiative upang amyendahan ang Konstitusyon ay pinopondohan ng gobyernong Arroyo.
Ipinauubaya naman ni Drilon sa Commission on Audit (COA) ang pagrebisa sa ginawang paggastos ng OPS at attached agencies nito kaugnay sa pagsusulong ng Chacha subalit ang paggamit ng public funds para isulong ang Peoples Initiative ay ilegal dahil hindi dapat ang gobyerno ang gumagastos dito. (Rudy Andal)