Malacañang ididiin pa si Calixto sa anomalya

Determinado ang Malacañang na idiin si Pasay City Vice Mayor Antonio Calixto sa "litanya" ng mga anomalya kaya isang bagong suspension order ang ipinalabas nito.

Bukod sa multi-milyong garbage anomaly sa nasabing siyudad at 100 ghost employees controversy, naglabas ng bagong preventive suspension order ang Palasyo kamakalawa ukol naman sa grave abuse of authority, nonfeasance at dereliciton of duty laban sa opisyal.

Sa order na nilagdaan ni Executive Secretary Eduardo Ermita, sinabi ng kalihim na seryoso ang mga akusasyon ng mga complainant at mabigat ang mga ebidensiyang naisumite laban kay Calixto.

Ang kaso ay nag-ugat sa pagtanggal ni Calixto sa mga empleyado ng apat na konsehal ng siyudad at pagpalit niya sa mga ito ng kanyang sariling empleyado. Ang ginawi ni Calixto ang naging dahilan din upang mabungkal ang may 100 ghost employees na nasa ilalim ni Calixto. Ang nasabing mga ghost employees ay tumatanggap ng sahod mula sa Pasay City Hall kahit na hindi nagrereport sa trabaho.

Sa garbage anomaly naman, dalawang konsehal na kapartido ni Calixto ang umamin na tumatanggap sila ng payola mula sa garbage contract ng siyudad. Ayon kay suspended Councilor ex-officio Generoso Cuneta, tumatanggap siya ng P130,000 kada buwan na payola mula sa mga kontratista ng basura sa Pasay, si Calixto ay P250,000 at si suspended Mayor Peewee Trinidad naman ay P520,000.

Show comments