Hanggang kahapon ay wala pa ring kuryente sa ilang lugar sa Metro Manila, Cavite, Laguna at ilang bahagi ng Northern Samar.
Pero ayon sa Meralco, maibabalik nila ngayong araw ang 82% ng power supply sa buong Kamaynilaan at kalapit na probinsiya nito maliban sa katimugang bahagi ng Luzon na kinabibilangan ng Batangas, Laguna at Quezon province.
Ayon sa Meralco, ang mga kabahayan sa nabanggit na mga lugar ay maituturing na "isolated cases" dahil sa pagkasira ng transmission power na siyang nagdadala rito ng suplay ng kuryente.
Sinabi ng Meralco na umaabot na sa 80% ng power supply ang kanilang naibalik kahapon habang 65% lamang ng restoration work ang sa Southern areas.
Marami umanong natumbang mga puno sa bahagi ng southern area ang dahilan ng pagkasira ng mga transmitter.
Sinabi pa nito na maisasaayos lamang nila ang supply ng kuryente sa pagbabahay-bahay at hindi nila ito kayang maibalik ng bigla ngayon.
Apektado rin ang suplay ng tubig sa mga lugar na tinamaan ni Milenyo at kahapon ay iniulat naman ang pagtaas sa presyo ng isda at gulay sa mga pamilihan.
Sa talaan pa rin ng NDCC, umabot sa pitong rehiyon, 17 probinsiya, 14 bayan at 1,640 barangay na kinabibilangan ng 1,163,692 katao ang apektado habang 104,995 iba pa ang pansamantalang nakatira sa 198 evacuation centers.
Sa Metro Manila, patuloy pa rin ang isinasagawang clean-up operation ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga puno at poste ng kuryente na nabuwal sa mga kalsada.
Pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga biktima ay pagkalunod, nakuryente, nabagsakan ng debris at nadaganan ng nabuwal na mga punong kahoy, billboard at mga poste. (Joy Cantos At Edwin Balasa)