GMA hinamon din ng retake

Matapos ipakita ni Pangulong Gloria Arroyo na hindi dapat tino-tolerate ang pandaraya matapos ipag-utos ang retake sa nakaraang nursing board exam, hinamon ito kahapon ng ilang mambabatas mula sa oposisyon na sumailalim rin sa retake dahil sa akusasyong nandaya ito noong 2004 presidential elections.

Ayon kay Cavite Rep. Gilbert Remulla, maipapakita ni Arroyo na nakahanda siyang sumailalim sa retake kung haharapin na niya ang mga akusasyon laban sa kanya.

Sinabi naman ni Iloilo Rep. Rolex Suplico na hindi habang panahon ay maisasantabi ni Arroyo ang mga alegasyong ibinabato sa kanya kaya mas makabubuti kung ngayon pa lang ay sasagutin na niya ito.

Wala aniyang ipinagkaiba sa mga estudyanteng sinasabing nandaya sa nursing board exam ang nangyaring dayaan noong 2004 presidential elections kung saan pinaniniwalaang ang namayapang actor na si Fernando Poe Jr. ang totoong nanalo bilang presidente.

Pero naniniwala si House Majority Floor Leader Prospero Nograles na hindi dapat sumailalim sa retake ang lahat ng mga estudyante dahil hindi naman umano lahat ay nandaya sa exam.

Samantala, iginiit ng Malacanang sa lahat ng mga nakapasa sa nursing exam na kailangan muling mag-retake.

Ayon kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ang mga hindi nakapasa ay may option na muling kumuha o mag-retake na lamang ng exam sa susunod na taon na. Sagot ng gobyerno ang lahat ng gagastusin sa retake. (Malou Escudero)

Show comments