Ayon sa isang grupo ng mga mangingisda na kinapanayam sa ANC television, dapat palitan ang bulok na sistema na malaon nang sumasakal sa mga mahihirap. Ayon sa SC, masesentro ang debate sa isyu kung may legal na karapatan ang Sigaw ng Bayan sa pamamagitan ni Atty.Raul Lambino at Gov. Erico Aumentado na kumatawan sa anim na milyong botante na pumirma sa panukalang Peoples Initiative.
Nagdaos kahapon ng 4th general assembly meeting ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) sa Manila Hotel at bumuo ng manipesto na nananawagan sa Korte Suprema na katigan ang pagdaraos ng plebisito sa pagrebisa sa Konstitusyon. Kasama sa pulong ang grupong Sigaw ng Bayan na proponent ng Charter Change.
"Sa pamamagitan ng pagbuwag sa bulok na presidential bicameral system para maging unicameral-parliamentary, mawawala ang iilang grupong elitista na hangad lamang ay pansariling interes upang manatili sila sa kapangyarihan," anang ULAP.
Ayon sa ULAP, ang pagbabago ng sistema ng pamahalaan ay magpapasok ng foreign investments at lilikha ng maraming hanap-buhay, mawawala ang mga monopolyong siyang sanhi ng nagtataasang presyo, at magbibigay ng magandang tiwala sa kalusugan at katatagan ng Republika, "dagdag pa ng ULAP.
Idineklara ng ULAP ang ganitong paninindigan sa isang "open letter to the Filipino people". Umapela ang ULAP at Sigaw ng Bayan na baligtarin ng SC ang desisyon ng COMELEC na tumangging harapin ang nasabing petisyon base sa 1997 ruling ng Korte Suprema.
Nasa likuran ng Sigaw ang mahigit na 6.3 milyong lagda ng mga Pilipinong botante sa buong kapuluan na sumusuporta sa Peoples Initiative na amyendahan ang Konstitusyon.
Mismong ang mga field officers ng Comelec ang nagberipika ng mga lagda kung kaya naisampa ang petisyon na naaayon sa legal na pamamaraan.
Sinabi ng ULAP, na kinabibilangan ng 1.7 milyong miyembro sa buong Pilipinas, na sa Peoples Initiative, kumilos na ang mamamayang Pilipino upang alisin ang bulok na patuloy na sumasakal at nagpapahirap sa mga mamamayan sa mahigit na anim napung taon.
Nais naman ni dating Pangulong Erap Estrada na dumalo sa gaganaping oral argument sa SC dahil isa siya sa kumukuwestyon sa legalidad ng PI.
Dadalo din sa oral argument ang mga miyembro ng oposisyon sa Senado na sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Sen. Panfilo Lacson, Sen. Sergio Osmena III at Sen. Jamby Madrigal.
Ang mga ito ay kumuwestyon din sa legalidad ng PI sa pamamagitan ng kanilang abugado na si Atty. Aquilino "Kokoy" Pimentel III. (Malou Escudero, Grace Dela Cruz at Rudy Andal)