Ayon kay Justice Sec. Raul Gonzalez, hindi mangingimi ang DOJ na sampahan ng kasong libelo ang nanay ni Nicole na si Susan Nicolas dahil isang malaking kasiraaan umano sa panig ng prosecution ang mga ipinahayag nito na pinapabayaan ng mga piskal ang kaso ng anak nito. Aniya, susuriing mabuti ng DOJ kung mayroong malisya o nais lamang sirain ni Susan ang kredibilidad ng mga public prosecutors na humahawak sa kasong rape ni Nicole.
Sa liham na ipinadala ni Nicole kay Gonzalez na inihatid ng kanyang ina, sinabi nito na hindi umano siya nirerespeto ng mga prosecutors at hindi umano maganda ang pakikitungo ng mga ito sa kanya,
Maging sa mga pagdinig ay late umanong dumarating ang mga ito kung saan ang iba ay talagang absent. Minsan pa aniya, sinasaway siya sa kanyang pag-iyak kung kaya nakakaramdam umano ito ng kawalan ng respeto sa sarili. (Grace dela Cruz)