US Embassy sa Syria sinalakay, 4 patay

Nilusob ng apat na armadong lalaki ang US Embassy sa Syria, Damascus habang kasagsagan ng paggunita ng 9-11 terror attack sa Estados Unidos nitong Martes.

Sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), bandang alas-9:35 ng umaga (6:45 ng gabi sa Manila) pinasabog ng apat na lalaki ang isang kotse bago sinalakay ang embahada. Mabilis namang kumilos ang US security forces at napatay ang apat.

Kinumpirma naman ng US State Department ang naturang pag-atake at tiniyak na kontrolado na nila ang sitwasyon.

Kasunod ng nasabing pag-atake ay kinordon na ang buong diplomatic district ng Syrian security forces.

Dahil dito, agad namang pinakilos ng DFA ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Syria upang higpitan ang seguridad sa paligid ng embahada upang maiwasan ang iba pang pag-atake. (Ellen Fernando)

Show comments