Ito ay matapos na maghain ng petition sa Court of Appeal (CA) si Atty. Jose Bernas, abogado ni Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina kung saan hinihiling nito sa korte na pigilan ang pagpapalabas ng pamahalaan ng P3-B bilang paunang bayad sa Piatco. Giit ni Bernas na sinundan lamang umano ng ICC ang isinusulong na "expropriation case" ng gobyerno kung saan tila inamin umano ng pamahaaan na pag-aari ng Piatco ang NAIA 3 na kailangan nitong bayaran bago tuluyang maokupahan.
Ipinaliwanag pa ng nasabing abogado na dapat na "ejectment case" umano ang isinampa ng gobyerno at hindi expropriation case laban sa Piatco dahil ang mismong lupa na kinatatayuan nito ay pag-aari ng gobyerno. Binigyang-diin pa nito na mas magiging madali umano ang pagkapanalo at pagbawi ng gobyerno sa terminal 3 kung ang isinulong na kaso nito ay "ejectment case."
Kasabay nito, hiniling din ni Bernas sa CA na atasan nito si Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas na desisyunan nito kung tama bang solusyon ang expropriation case bago tuluyang ipatupad ang nauna nitong kautusan na bayaran na ng gobyerno ang Piatco ng P3B. (Grace dela Cruz)