Sertipikasyon ng German bank sampal daw kay Cayetano

Nakiusap ngayon ang mga kapwa kongresista kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na tanggapin ang pagkakamali sa ginawang pagbubulgar na pag-aari umano ng pamilya Arroyo ang nakatagong bank account sa Germany.

Ayon kina Bacolod City Rep. Monico Puentevella at Leyte Rep. Eduardo Veloso, sampal sa mukha ni Cayetano ang inilabas na sertipikasyon ng HypoVereins Bank sa Munich, Germany na nagsasabing walang itinatagong libreta de bangko si First Gentleman Mike Arroyo, taliwas sa pagbubulgar na ginawa ni Cayetano.

Batay sa sertipikasyong nilagdaan nina Vice President Peter Reisner at General Secretariat Evi Vollmann, wala silang account sa pangalan ng Unang Ginoo, at maging ang bank account na may numerong 87-570-230-32100-62771571.

Ngayong gabi ay darating si Ginoong Arroyo dala ang hindi maikakailang ebidensiya ng umano’y kasinungalingan ni Rep. Cayetano.

"Nagwagi muli ang katarungan at katotohanan, Darating ako na dala ang katotohanan. Malinaw na ngayon na kaya tumanggi si Cong. Cayetano na sumama sa akin dito sa Munich ay sapagkat alam niya na wala akong bank acount dito," ayon kay Mr. Arroyo.

Bitbit ni Arroyo ang sertipikasyon ng HypoVereins Bank kung saan kinukumpirma na walang account doon ang Unang Ginoo at walang deposito sa pangalang Jose Miguel Arroyo.

Sa isang pulong sa mga opisyal ng bangko, sinabi rin ng mga ito na ang accout number na ibinigay ni Cayetano ay hindi tugma sa kanilang sistema ng pagbibigay ng account number.

Ayon pa kay Mr. Arroyo, tulad ng pitong kahon na umano’y ebidensiya sa Kongreso hinggil sa impeachment complaint, ang mga paratang ni Cong. Cayetano ay puro kasinungalingan at gawa-gawang ebidensiya lamang. Tama anya at makatarungan ang desisyon ng Kongreso na ibasura ang impeachment complaint. (Malou Escudero/Lilia Tolentino)

Show comments