Nakatakdang ipatawag ng kinauukulang komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa hindi pagsunod sa RA 9003.
Nakasaad sa RA 9003 na matapos ang tatlong taon, dapat ay na-convert na ng lahat ng Local Government Units (LGUs) ang kanilang open dumps sa controlled dumps at pagkatapos ng limang taon, wala na dapat makikitang tapunan ng basura. Ang deadline sa pagpapasara ng mga open dumps ay noong Pebrero 16, 2004, at ang deadline para sa pagpapasara ng lahat ng controlled dumps ay noong Pebrero 16, 2006.
Sa kabila nang pagpasa ng nasabing batas, inamin ng National Solid Waste Management Commission na nasa 996 na ang tapunan ng basura na nag-ooperate sa bansa.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Rozzano Rufino Biazon, hindi isang simpleng problema ang basura dahil isa itong banta sa kalusugan ng mga mamamayan.
Inakusahan ng solon ang mga opisyal ng DENR ng gross negligence dahil ito ang pangunahing ahensiya ng gobyerno na dapat magpatupad ng batas. (Malou Escudero)