Apela sa Simbahan: Civil disobedience wag sakyan
Umapela kahapon ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Simbahang Katoliko na huwag magpagamit sa mga pro-impeachment groups na nananawagan ng civil disobedience. Ayon kay Bacolod Rep. Monico Puentevella, hindi dapat makisakay sa panawagan na paglulunsad ng civil disobedience ang sinuman dahil wala naman itong mabuting idudulot sa bansa. Ginawa ni Puentevella ang reaksiyon matapos magbabala sina Cebu Archbishop Ricardo Vidal at Bishop Deogracias Iniguez na posibleng mauwi sa "civil disobedience" ang pagkakabasura ng impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo. Ipinagdiinan ni Puentevella na sawang-awa na ang publiko sa mga negatibong pamumulitika at nais na lamang nilang umusad ang bansa. Mas makakabuti aniyang tumulong na lamang ang Simbahan sa pagpapanatili ng katahimikan sa bansa at tumigil na sa pakikisawsaw sa pulitika. (Malou Escudero)