Layunin ng panukala na inihain ni Manila Rep. Bienvenido Abante na mabigyan ng proteksiyon ang mga akusado lalo pat hindi pa naman napapatunayan na totoo silang nagkasala.
Partikular na nakasaad sa panukala na hindi maaaring iharap ng sinumang arresting officer o ng imbestigador ng kaso sa media ang isang akusado hanggat hindi nito ipinapaalam sa huli na may karapatan siyang hindi dumalo sa ipapatawag na press conference.
Papayagan lamang ang "public presentation" ng akusado kung lalagda ito sa isang kasunduan sa harap ng kanyang abogado.
Ipinaliwanag ni Akbayan Rep. Loretta Ann Rosales na labag sa Konstitusyon ang public presentation ng mga suspek na iniimbestigahan pa lamang ang kaso.
Pero ipinaliwanag ni Atty. Virgilio Pablico, isang dating crime investigator ng PNP na ang presentasyon ng mga suspek sa publiko ay isang uri nang panghihikayat upang lumantad ang mga posibleng saksi o testigo sa kaso.
"Under rule 113 of the Law in Criminal Procedure, a person can be arrested while in the act of committing a crime based on probable cause," ani Pablico.
Pero sinabi naman ng ilang solon na hindi maaaring ikonsiderang guilty na ang isang suspek hanggat hindi pa napapatunayang nagkasala sa korte. (Malou Escudero)