Sa botong 56-24, tuluyang pinatay ng mga anti-impeach solons ang reklamo dahil sa "insufficiency in substance."
Kabilang sa mga ibinibintang sa Pangulo ang pandaraya, pagsisinungaling, graft and corruption at high crimes.
Nagmistulang sabungan kagabi ang plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos magkagulo ang mga tao sa gallery at magwagayway ng puting sobre ang mga sumusuporta sa pangalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
Dahil dito kaya nagdesisyon si Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, chairman ng House committee on justice na ibalik sa Andaya Hall ang hearing kung saan pagbobotohan kung "sufficient in substance" ang reklamo.
Nagsimula ang kaguluhan ng magtalumpati si Albay Rep. Edcel Lagman na hindi na kailangan pang patayin ng komite ang impeachment complaint dahil isa itong "classic case of suicide."
Lalong uminit ang mga pro-impeachment sa gallery ng magpalakpakan ang mga anti-impeach supporters.
Sinabi ni South Cotabato Rep. Darlene Antonio-Custodio na wala sa rules ng impeachment na bawal magpaypay ng sobre ang mga taong nanonood sa impeachment proceedings.
Una rito, iginiit ni House Minority Leader Francis Escudero na buksan ang pitong kahon ng mga sinasabi nilang ebidensiya na magpapatunay sa mga krimeng ibinibintang sa Pangulo.
Sa susunod na linggo ay ilalatag sa plenaryo ang report ng komite kung saan kinakailangan ng pro-impeachment team ng 78 boto upang mabaligtad ang desisyon. (Malou Escudero)