Kahapon ay personal na sinaksihan ng Pangulo ang pag-alis ng tren ng PNR sa himpilan nito sa Buendia, Makati City para maghatid ng relief goods sa mga inilikas na mamamayan ng Albay na kinakanlong sa may 34 evacuation center sa lalawigan.
Ginawa ni Pangulong Arroyo ang pag-apela sa gitna na rin ng ginawang pananambang ng mga rebeldeng NPA sa rescue team ng Armys 901st Infantry Brigade na ikinasugat ng limang sundalo kamakalawa sa bayan ng Daraga.
Kabilang sa ibiniyaheng mga relief goods ay kinabibilangan ng 40,800 delatang Maling luncheon meat at 150,000 metrikong tonelada ng mga damit para sa libu-libong evacuees.
Kaugnay nito, inalerto naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. ang tropa ng Task Force Mayon na maging handa at mapagmatyag sa posible pang pananabotahe ng mga rebelde sa mission team ng miilitar.
Binigyang diin ng Chief of Staff na kahit abala sa rescue mission ay hindi aatrasan ng AFP ang umaatakeng mga rebelde na nagagawa pang maghasik ng terorismo sa gitna na rin ng sitwasyon sa nag-aalburutong bulkan.
Iginiit naman ni House Minority Leader at Sorsogon Rep. Francis Escudero ang pagkakaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng militar at ng mga rebeldeng komunista dahilan makakadagdag lamang ito sa problema sa lalawigan. (Lilia Tolentino/Joy Cantos at Malou Rongalerios)