5 patay sa bagyong "Henry"

Lima katao ang iniulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong si Henry sa Central Luzon habang dalawang iba pa kabilang ang isang 2-anyos na batang babae ang iniulat namang nawawala.

Ayon kay Office of Civil Defense deputy director at National Disaster Coordinating Council spokesman Dr. Anthony Golez Jr., ang 2 sa mga nasawi ay nakilalang sina Napoleon Ciscar, 50 anyos ng Baligue, Madela, Quirino na nalunod sa baha at Elmer Celso, 2 anyos na nalunod din sa barangay Bambang, Candaba, Pampanga.

Kabilang pa sa mga nasawi ay 2 magsasaka na tinamaan ng kidlat sa lalawigan ng Isabela at isang lalaki na nadaganan ng punong kahoy sa Hilagang Luzon.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang nawawalang kaanak ni Ciscar na sina Rosie, 45 at Rhea, 2-anyos. (Joy Cantos)

Show comments