Ang P2-B ay ibibigay sana sa Ombudsman kung saan ang P1 bilyon dito ay magmumula sa US grant kaugnay ng Millennium Challenge Account para tuluyang masugpo ang katiwalian sa gobyerno.
Hiniling ng USAID sa DOF na pigilan ang pagpapalabas ng pondo hanggang sa sandali na malinis na ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang kanyang ahensiya mula sa lahat ng uri ng katiwalian.
Dahil dito, mahigpit na nanawagan ang mismong empleyado ng anti-graft agency kay Gutierrez na agad aksyunan ang mga reklamong katiwalian na kinasasangkutan ng mga opisyal at tauhan sa nasabing investigating body.
Kasama sa panawagan ng mga empleyado ang mga kasong kinasasangkutan ng kontrobersyal na Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices (OMB-MOLEO) na si Orlando Casimiro.
Sa Casimiro na kilalang kaalyado ni dating Pangulong Erap Estrada ay isa sa pinagpipiliang pumalit kay Overall Deputy Ombudsman Margarito Gervacio ay nauna nang kinasuhan ni graft investigator na si Gilbert Bueno ng katiwalian at pagkakaroon ng mga unexplained wealth.
Sinabi ni Bueno na noong nakaraang Setyembre pa niya sinampahan ng kaso si Casimiro pero hanggang ngayon ay hindi pa din ito inaaksyunan ni Gutierrez.
Nagulat siya ng ma-remand ang kaso sa Internal Affairs Bureau na hindi dumaan sa due process sa halip na maisalang ito sa preliminary investigation.
Kaugnay nito, nanawagan si Bueno kay Gutierrez na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at lifestyle check kay Casimiro para mapatunayang sinsero siya sa kanyang kampanya laban sa katiwalian.