Kill spree!

Isang photojournalist ang pinaslang sa Malabon habang tatlo pang lider ng militanteng grupo ang nasawi matapos silang tambangan sa magkakahiwalay na lalawigan sa bansa.

Ang pinaslang na miyembro ng media ay nakilalang si Prudencio "Dick" Melendrez, 41, photojournalist ng pahayagang Tanod at nakatira sa Gozon compound, Letre road, barangay Tonsuya, Malabon.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:42 a.m. ng tambangan si Melendrez ng tatlong armadong lalaki at pagbabarilin sa ulo at katawan di-kalayuan sa tahanan nito.

Sinabi ni Northern Police District director Leopoldo Bataoil, nakatanggap umano ng death threat ang biktima dahil sa pagiging presidente nito sa Phase 3 Letre homeowners association. Pinsan umano si Melendrez ng photojournalist na si Alberto Orsolino na pinaslang din noong Mayo.

Kinondena ng Camanava Press Corps at National Press Club ang ginawang pamamaslang kay Melendrez.

Inambus naman ng 2 di-nakilalang lalaki ang provincial spokesman ng League of Filipino Students na si Raymond Duran habang ito ay nasa isang bus terminal kahapon ng umaga sa Bulan, Sorsogon.

Ayon sa report, bandang alas-6:15 ng umaga kahapon habang nasa bus terminal si Duran, 2nd year college student ng Aquinas University, ng tambangan ito ng 2 armadong lalaki. Dead on arrival sa pagamutan ang LFS leader.

Tinambangan naman ng hindi pa nakilalang maskaradong lalaki ang mag-asawang opisyal ng Bayan-Muna partylist group sa Tabuk, Kalinga.

Ang tinambangan ay nakilalang sina Dr. Constantino Claver, Bayan-Muna provincial chairman ng Kalinga at ang maybahay nitong si Alice Claver na coordinator din ng nasabing samahan.

Nasawi sa pananambang si Mrs. Claver habang nasa kritikal na kondisyon ang mister nito habang sugatan naman ang kanilang 7-taong gulang na anak.

Ihahatid ng mag-asawa ang kanilang anak sa paaralan ng harangin sila ng isang itim na van saka sila pinaulanan ng bala bandang alas-7 ng umaga kahapon sa kahabaan ng national highway sa harap ng St. Toni’s College sa Barangay Bulanao, Tabuk.

Isang miyembro din ng Bayan-Muna na si Mario Florendo ang pinatay ng hindi nakilalang salarin kamakalawa ng madaling araw sa Lupao, Nueva Ecija.

Ayon sa ulat, bandang alas-4 ng madaling araw kamakalawa habang nasa labas ng kanilang bakuran si Florendo sa Sityo Toboy, Barangay Parista ng bigla itong pagbabarilin hanggang mapatay ng hindi nakilalang suspek.

Isinisi naman ni Bayan-Muna Partylist Rep. Satur Ocampo ang panibagong extra-judicial killings na ito sa hanay ng mga aktibista kay Pangulong Arroyo kasabay ang paghamon sa gobyerno na kilalanin ang gumawa ng pamamaslang. (Rose Tamayo-Tesoro, Victor Martin, Joy Cantos at Malou Escudero)

Show comments