Ayon kay Sen. Santiago, chair ng senate committee on energy at Joint Congressional Power Commission, malamang ipatawag ng Senado si Ramos dahil sa ito umano ang "promotor" sa pagpapalawig ng deadline sa pagbabayad ng downpayment ng YNN Pacific Consortium para sa Masinloc coal-fire power plant sa Zambales.
Natuklasan naman ni House Minority Leader Francis Escudero na balak pang humirit ng pangatlong deadline sa Sept. 30 ang YNN upang mabayaran ang downpayment nito.
Iginiit naman ni Sen. Joker Arroyo, chairman ng senate committee on public services, ilegal ang kontratang pinasok ng National Power Commission (Napocor) at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) sa pagbebenta ng Masinloc power plant sa YNN. Inirekomenda nina Sen. Santiago at Sen. Arroyo ang agarang kanselasyon ng YNN deal.
Sinabi ni Sen. Arroyo, niloko ng YNN ang gobyerno matapos makuha nito ang $526 milyong bid price o P30 bilyon para sa Masinloc plant gayung ang nakarehistrong paid-up capital nito sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay P800,000 lamang habang nakiki-opisina lamang ito sa isang janitorial services sa Paco, Maynila at walang telepono at fax machine.
Ayon kay Arroyo, malinaw na isang dummy firm lamang ang YNN at may personalidad na nasa likod nito dahil bago lamang ang naturang kumpanya pero nakakagulat na nakuha nito ang Masinloc deal.
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Powercom sa Huwebes upang desisyunan kung nararapat kanselahin na agad ng gobyerno ang kontrata ng YNN para sa Masinloc plant.
Ipapatawag din sina Meralco chairman Manolo Lopez, Energy Sec. Raphael Lotilla, ERC chairman Rodolfo Albano, PSALM president Nieves Osorio, ERC Comm. Jesus Alcordo, PSALM consultant Garry Makasiar at YNN owner Sunny Sun.
"We are going to call on YNN people plus perhaps President Ramos because his name has been dragged into the questioned process of the contract. It is said so wed like to hear his side," wika pa ni Santiago.
Naniniwala din ang lady solon na untouchables ang mga may-ari ng YNN at binibeybi ito ng Malacañang at Department of Finance dahil sa pinalawig pa ang pagbabayad nito ng downpayment na $227 milyon at nagawa pang papasukin sa transaksyon ang Ranhill Berhad Power Corporation, isang Malaysian firm kung saan ay ibinenta ang major shares ng YNN.
Sisilipin din ni Santiago ang umanoy pagtanggap ng P10 milyong performance bonus ng mga opisyal ng PSALM gaya ng ibinunyag ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. (Rudy Andal At Malou Escudero)