Nakabahag lang na nagtungo kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang apat na kinatawan ng mga nabanggit na tribu na inireklamo ang 70 kaso ng pamamaslang sa mga katutubo sa ilalim ng gobyernong Arroyo.
Ang tribung Lumad ay nagmula sa Mindanao, ang mga Aeta o Ita ay mula sa Central Luzon, samantala ang mga Mangyan at Remon-tados ay buhat sa Southern Tagalog.
Ayon kay Himpad Mangumalas, spokesman ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at mula sa lahing Mangyan, si Pangulong Arroyo umano ang numero unong "human rights violators" ng mga katutubo. Sapat na anyang dahilan ang pagpatay sa 70 katutubo para hingin nila na bumaba na ito sa puwesto.
Ang reklamo ay ihahain sa susunod na linggo sa muling pagbubukas ng regular session. (Malou Escudero)